Tulog yata ang bathala ng kayo sa lupang ito ay iluwa.
Bakit sa lipunang ito dumapo na paraiso ng mga  timawa.
Ano  ang ngitngit ng langit upang lapatan ng parusa ?
Mga murang tinik ng musmos na katawan bakit isinasagupa,
Sa pagbabanat ng mga oras sa maghapong pakikibaka ?
Makaraos sa maghapon sa pagnanais na bukas ay makita
At muli bukas ay uulitin ninyo ang inyong kahapon.
Muling isusuga ang inosenteng kamalayan sa maghapon.
Upang sa susunod na bukas ay muli uling makaahon.
Sa sumpa ng lipunang ito na walang buting nilalayon.
Sa tulad ninyong sana ay bubuo ng bukas nitong ating nasyon.
Ngayo´y  reserbang alipin para sa luho nitong mga panginoon.
At ngayon nga ay walang puwang ang akit ng mga laruan.
Sa mga utak ninyong hinubog ng pait nitong kapalaran
Ang bawat sandali na nakadagan sa inyong mga likuran.
Singbigat ng bundok ng paghihikahos sa bawat mga hakbang.
Kaya´t kailangang libangin ang nagtatampong kamalayan.
Inagaw sa ligaya at tuwa ng payak ninyong kamusmusan.
Ang inyong larawang nagkalat sa buong kapuluan.
Parang mantsa ng dagtang sa baya´y walang pagkaparam.-
Sa mga platasyon, pabrika at maging sa mga bahay aliwan.
Nagbebenta ng musmos na lakas at murang katawan.
At nagbibigay aliw sa mga kaluluwang gutom sa laman
Sa kakarampot na halagang pang-aliw sa bitukang kumakalam.
At pagtapos ng nakaiinip na mahabang oras ng pagkakayod.
Matapos magbanat ng mga buto at kalamnan ninyong bubot.
Saka ilalatag ang pagal na katawan sa ilalim ng langit na bantulot.
Doo´y babatuhin ng  katanungan maging mga talang nalulungkot.
Sa  pait ng kapalarang ito na sa buhay ay sumaplot.
Saang yugto ng  buhay ang sumpang ito ay matatapos ?
At sa lipunang itong tinatawag na para daw sa tao.
Heto at humuhubog ng isang bansang hindi makatao.
Kayong mga  sasalo sa bukas ng abang  lupang ito.
Anong kaunlaran ang aanihin sa mga bungang tulad ninyo.
Kung ang mga utak ay inilayo sa paaralan at mga libro.
At pipiliting ipatanggap na normal ang mabuhay na tuliro.
                                                     Epoy/04/06