Sa ginto mong hawla’y, kapos ang  ligaya.
Walang kalayaan, kulang sa sagana.
May latay ng pait, puno ng pangamba.
Ang bawat bukas mo’y, sagad  ng dalita.
May agos ng dugo, sa altar ng paglaya.

Kaya nga't lumisan, laksa mong mga anak
Ang  sarili mong kandunga'y, pilit na nilikas.
Sa bagwis ng ibang lupa, pagkalinga'y hinanap.
Bitbit sa isipa'y, kasaganahan ng lahat.
Mga magulang kapatid, asawa't mga anak
Naiwan sa bayang, minamahal na liyag.

Bagamat nasa labas, ng bayan kong sawi.
Kalahati nitong buhay, tila yata mapipigti.
Sa aming pangungulila,at pagdadalamhati.
Pagkat ang iyong panaghoy, pagtitiis pagtitimpi.
Latay ng kadenang, sa laya mo’y nagtatali.
Sa puso at isipan , parang tinik na puputi.

Oo nga´t nasa labas, itong aming katawan
Subalit sa  damdamin, puso namin at isipan.
Ang iyong kapakanan, mahal naming inang bayan.
Ang tunay na paglaya mo’y,  ligaya naming magisnan.
Para sa iyong mga anak, at mga bunso pang daratal.

Dahil kami'y pilipinong, nagmamahal  na totoo.
Kaya't munting bahagi, nitong aming talino.
Ang kakayanan at lakas, panahong giniginto.
Wala naming pag-iimbot, na iaalay sa iyo.
Makikipagkapit bisig, sa lahat ng katoto
At doon sa mga kapatid, sa palibot ng mundo.

Buong lakas na isisigaw,  katarungan sa bayan ko.
Sa sanlaksa´t  libong liyab, ng pagkakaisa.
Paghahawan ng landas, ng tunay na sagana.
Kaming mga migranteng, totoong nangulila.
Sumusumpa kaming, sa hangad mong paglaya.
Mga  Pilipino kaming, maghahandog sa dambana
Matayog na pangarap, gagampanang panata……….