Febrero biente kwatro araw ng lagim sa bayan ko.
Sapakat may reynang nabaliw sa kanyang trono.
Parang itim na  asong nasiraan yata ng ulo.
Ang lahat ng nakikita niya´y nakatatakot na multo
Sa pantasyang may mang-aagaw ng kanyang gintong plato.
Platong kanyang pilit inagaw din sa hapag ng ibang tao.
Kaya ng magwala itong  butihing sakab na reyna.
Pinakawalan ang huling alas na panakot sa masa
State of emergency daw ang tawag sa pakana.
Layunin daw nito´y  pangalagaan ang   bansa.
Laban sa mga magugulo at mapag-samantala.
Para makaahon na sa paghihirap itong ating lupa.
Ngunit ano nga ba ang syang tunay na dahilan.
Bakit itong magaling na reyna ay nahihintakutan?
Sa ngitngit na masa bakit ngayo´y kinakabahan.?
Ano ang sa kanya´y sinisingil na dapat niyang bayaran.?
Nitong taong bayan na sa kanya ay umasam.
Mga pangakong pinambitag noong sila´y  pakinabangan.
Noong pagkaupong pagkaupo nitong magaling na tuso.
Nagpakasasa na kaagad sa kinang ng kanyang pwesto.
Sa halip na unahin ang kapakanan ng mga tao.
Inuna ay magpakabusog, magsayaw sa kanyang luho.
Sa mga butas  na bituka, ang pinalalamon ay pangako.
Sa pagdaramdam ng bayan, parang manhid na tuko.
At pagtapos nga ay balikan kung ano pa ang naganap.
Sa loob ng panahong paghahari nitong reynang sakab.
Walang kaparis na pagdurusa at sagad na paghihirap.
Walang katapusang trahedya ang dumaan sa bawat palad.
Habang nagpupuno ng bulsa, mga masugid na kasabwat.
Nakangising inilalako mga likas yamang winawasak.
Sa mga dayuhang garapal at mga negosyanteng bayawak.
Sadyang wala ngang layunin na iahon ang bansa sa hirap.
Ang tanging hangari´y magpakasasa, sa inagaw na liyag.
Kaya´t tuwing nangangakoy walang katuparang nagaganap.
Ang hilig lang ay manloko, para sa pwesto pa ay makahawak.
Milyong buhay man ang mautas, wala itong paki sa utak.
Baliw na paghaharing hindi na mailuwa dahil sa sarap.
Kaya kahit noong halalan pati boses nati´y binalabasubas.
Kaya ngayon ay heto na, nabaliw na ang butihing  reyna.
Sa kayang mga bangunmgot na sariling nilikha.
Sa anino ng taong bayan na kanyang kinubaba.
Sa  mga pakiusap ng masang lagi niyang kinukutya
Ngayo´y parang isang madilim na guni-guning nanunuya.
Naniningil sa mga pangakong kanyang ipinantaya.
Sa milyong nagbakasakaling makaahon sa pagdurusa.
Kaya´t nang hindi mapigilan ay agad nang nangwasiwas.
Hinubad ang maskara at ang tunay na mukha ay nalantad.
Ang  bigat ng lupit kahit kanino ay handang ipantadtad.
Kahit sa masang sa trono nya ngayon, noon  sya´y inilapag.
Ngayon na siya ring nagngingitngit at nais syang ibaliktad.
Igiit  ang katarungan at kasaganahang malaon ng pinangarap.
Ngunit itong pekeng reyna ay hindi natuto sa kasaysayan.
Sa nilikha niyang bagungot akala nya ay kasagutan.
Na ang dapat isagot ay dahas sa mga taong umaangal.
Hindi nya ata na-iisip na siya na rin ang naghuhukay.
Ng sariling libingang magbabaon sa sariling buhay.
Pagkat ngayon taong baya´y lalong higit na mag-aalay.
Ng tapang at lakas para ibagsak itong mga humaba ang sungay.
                                                                     Epoy/02/06