Maaari nang ituon ang pokus ng mga sumusubaybay sa unang 100 araw ng bagong administrasyon sa nakaambang bisita ni Pang. Benigno S. Aquino III sa Setyembre. Ito ang una niyang opisyal na bisita sa labas ng bansa. Hindi lamang simboliko ang desisyon niya na maging unang destinasyon sa labas ng bansa ang US.

 May malawak na implikasyon din ito hindi lamang sa mga polisiyang panlabas ng bansa kundi sa sinasabing espesyal na relasyon sa pagitan ng isang dating kolonya at isang superpower. Sa pangmatagalan, may malawak na implikasyon ito sa mga mamamayang Pilipino.

Siyempre, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na magtatalumpati rin si Aquino III, at iba pang pinuno ng mga bansa, sa United Nations General Assembly sa susunod na buwan. Ngunit mas mahalagang adyenda ang magaganap sa White House at iba pang mga pulong ni Aquino sa matataas na mga opisyal ng US. Magbibigay ng courtesy call ang bagong pangulo sa pinakamakapangyarihang lider ng mundo – isang tradisyunal na ritwal na isinagawa ng nakaraang mga pangulo ng Pilipinas, mula Manuel Quezon hanggang Ferdinand Marcos at, nitong huli, kay Gloria M. Arroyo, na ilang beses ding bumisita sa Washington DC.

Naipapamalas ng pulong na ito sa pangulo ng US ang pagpapahalaga ng gobyerno ng Pilipinas sa “espesyal na ugnayan” nito sa dating kolonyal na amo. Ngunit walang kinalaman ang “espesyal na ugnayang” ito sa mapagkaibigang relasyon sa pagitan ng dalawang mga mamamayan. Nahubog ang ugnayan ng dalawa sa mga konsiderasyong pang-ekonomiya at pangmilitar na napatunayang salungat sa kasarinlan at teritoryal na karapatan ng mga mamamayang Pilipino. Kahit na gumagarantiya ng suporta sa sinumang umuupong pangulong Pilipino ang pagiging malapit niya kay Uncle Sam.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinakatawan ng pagbisita sa US ng mga pangulong Pilipino ang komitment ng bansa sa maanomalyang mga kasunduang pang-ekonomiya at pandepensa. Ang mga kasunduang ito ang pundasyon ng di-pantay at neokolonyal na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. May panahong kinailangang pumasailalim ang ekonomiya ng bansa sa rekonstruksiyon dahil sa pagkawasak, matapos ang giyera sa pagitan ng US at Japan.

Ngunit nakatali ang pondo ng US para sa rehabilitasyon sa ekstensiyon ng parity rights sa mga Amerikano, na pumapayag sa pananatili ng baseng militar ng US at sumusuporta sa giyerang agresyon sa Korea, Indochina, at iba pa. Sinuportahan ng US si Ferdinand E. Marcos bilang tagapagsalita ng Amerika sa Timog-Silangang Asya tuwing kailangan ng US ng koalisyon ng mga suporta sa rehiyon para sumuporta sa giyerang agresyon nito sa Indochina.

Mahusay na naglingkod bilang tagapagsalita ng America si Marcos na tumagal ang diktadura salamat sa suporta ng US. Ibinasura siya ng US nang naging pabigat siya at itinulak si Corazon C. Aquino bilang “ikatlong puwersa” na papalit. Bilang presidente, sinuportahan ni Aquino ang pananatili ng baseng militar ng US at ipinasimulan ang isang polisiyang “total war” na mula sa US kontra sa mga rebelde na dumulo sa mas maraming paglabag sa karapatang pantao.

Rehimeng Bush

Noong panahon ng rehimeng Bush, maraming beses na bumisita si Ginang Arroyo sa Washington DC kung saan nakilala rin niya ang mga lider sa Pentagon at Kongreso. Tumungo ang maraming kasunduang nilagdaan niya – karamihan dito’y sikreto o confidential – sa pagtangan ng Pilipinas sa tungkulin nito bilang “ikalawang prente” ng US kontra sa terorismo. Dahil dito, nakapasok ang mga puwersang US at instalasyong militar sa uri ng ehersisyong militar at espesyal na mga pagsasanay. Mula 2001, tumungo ang pagtaas ng ayudang militar at pakikialam ng US sa pagtindi ng ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang krimen sa giyera sa gitna ng pagtindi ng giyera kampanyang kontra-insurhensiya ni Arroyo kontra sa Kaliwa, armado man o hindi. Sa kabila ng pinansiyal na mga komitment ng gobyernong US, naganap ang pinakamataas na unemployment rate sa loob ng 50 taon sa ilalim ng siyam-na-taong administrasyong Arroyo. Tumindi ang pagkakalayo sa sahod, korupsiyon, pandaraya sa halalan, pandarambong at pampulitikang panunupil.

Noong Mayo ngayong taon nang di pa natatapos ang bilangan sa halalan, ang embahador ng US sa Manila, si Harry Thomas Jr., ang unang envoy na bumati kay Aquino III. Kabilang sa napag-usapan sa pulong nila sa Times Street ang pagpapatuloy ng suporta ng US, ang espesyal na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa, at isang imbitasyon na maagang bumisita sa US ang magiging pangulo. Matapos ang usapan sa Times Street, naganap ang serye ng high-level na mga pulong sa mga opisyal ng US State Department sa pangunguna ni Sec. Hillary Clinton hinggil sa bagong paketeng ayudang militar, isang alok ng pagbenta ng missiles at war aircraft, at pagdaong ng mga warship mula sa US Pacific Command (Pacom). Ngayong linggo, inanunsiyo ng US Millenium Challenge Corporation (MCC) ang paglabas ng $434 Milyon para pondohan ang tatlong proyekto sa Pilipinas sa loob ng limang taon. Nakaupo bilang tagapangulo ng MCC board si Clinton.

Bilang kapalit, sinabi ni Aquino III na tinatanaw niya ang pagbisita sa US nang may masiglang ekspektasyong makapag-uuwi siya ng mga “regalo” sa bansa.

Kasalukuyang mga interes ng Amerika

Naghahanap ng kagyat na sagot ang tanong kung ano ang kasalukuyang mga interes ng Amerika sa pagkapangulo ni Aquino III at kung anu-ano ang posibleng “mga pangako” na mapag-uusapan para itanghal ang “historikong ugnayan” ng dalawang bansa. Nagluluwalng mga tanong ang umiiral na resesyong pang-ekonomiya, lumalaking kawalang-trabaho, at pagkaltas sa mga badyet o pagbabawas sa trabaho sa US kung gaano pa kaliit ang tulong pang-ekonomiya o pang-militar na nalalabi para sa Pilipinas at ibang bansa – at kung ano ang kapalit nito.

Ipinapakita ng huling pagbisita ng mga opsiyal ng US sa Pilipinas ng nagpapatuloy na interes nito sa bansa sa konteksto ng mga interes na geo-estratehikong Amerika sa rehiyon at sa iba pang panig ng mundo. Nakatatak ang di-lantad na balangkas ng mga layuning ito sa National Security Strategy (NSS, Mayo 2010) ni Presidente Barack Obama ng US at sa bagong gabay sa kontra-insurhensiya ng militar ng US na inilabas nitong Enero 2009. Bagamat inuulit ng dalawang doktrina ang pangangailangang panatilihin ang akses ng US sa mga rekurso ng daigdig, lalo na sa langis at iba pang pagkukunan ng enerhiya, idinidiin din nila ang karapatan ng Amerika na maglunsad ng nagsasarili at nauunang (pre-emptive) pag-atake sa “terorismo,” mga panggulong rehimen, at mga lumalakas na kapangyarihan, tulad ng Tsina, na gustong hamunin ang kapangyarihan sa daigdig ng US.

Nitong huli, nagpakat si Obama ng mga pwersang laan sa espesyal na mga operasyon (special operations forces, SOF) sa Pilipinas at 69 pang bansa. Sang-ayon ang nasabing pagpakat sa NSS at bagong patakarang kontra-insurhensya na sa esensya ay nagpapatuloy sa mga programang kontra-insurhensya ng US sa maraming bansa, lalo na sa mga “estadong nabigo o mahina” at nang katambal ang mga gobyerno at militar ng mga bansang ito. Nagbibigay ang programang kontra-insurhensiya,

gayunman, ng kapantay na halaga sa paggamit ng mga elementong sibilyan tulad ng mga misyong humanitaryan, pagpapalahok sa mga NGO, civil society, at mga migranteng komunidad; at ang lumalaking papel ng USAID at iba pang ahensiya para isulong ang “pamamahala, transparency, paghahari ng batas, at paglaban sa katiwalian.” Pero hindi ito dahil naniniwala ang parehong dokumento sa demokrasya kundi nakikita nila ang pangangailangang panatilihin ang pampulitikang istabilidad at pawiin ang mga “kaaway na panggulo” dahil mahalaga ang mga ito sa imperyalistang interes ng US sa mundo.

Sa ilalim ni Arroyo, nagtagumpay ang US sa pagpasok ng mga puwersa at kampong militar nito sa Pilipinas partikular sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Zamboanga. Sinasabi ng US na ang Pilipinas, lalo na ang Mindanao, ay bahagi ng “arko ng instabilidad” sa Timog-silangang Asya at sa iba pang bahagi ng Silangang Asya kung saan dumadaan ang langis at iba pang estratehikong kalakal ng US sa South China Sea. Tinutunggali ngayon ng US ang pagkamkam ng Tsina sa bahagi ng dagat; ayon dito, “bukas na teritoryo” ang nasabing lugar.

Konsistent

Walang kuwestiyon na mananatiling konsistent si Aquino III sa tradisyunal na pagsuporta sa presensiyang militar ng US sa bansa at buong rehiyon. Gayundin, inilinaw niyang sinusuportahan niya ang kontrobersiyal na Visiting Forces Agreement (VFA) at ipinagpatuloy pa ang kampanyang kontra-insurhensiya ni Ginang Arroyo na sinuportahan ng US, sa kabila ng pagkamatay ng mga aktibista at iba pang abuso.

Itinutulak ng impluwensiyal na maka-Kanang think tank sa US, partikular ng Heritage Foundation, si Obama na ipagpatuloy ang suporta sa programang modernisasyon ng AFP nang may mas malaking pondo. Nakatuon ang ayuda sa modernisasyon sa pag-angat ng kakayahan ng Pilipinas sa teritoryal na depensa laluna sa mga isla ng Spratly na inaangkin ng China at iba pang bansa.

Sa paglakas ng alyansang depensa ng US tungo sa tahimik na pagtindi ng presensiyang miitar nito, magiging piyon ang Pilipinas sa plano ng Pentagon na pigilan at palibutan ang China. Kung magkakamali si Aquino III na bumigay sa presyur, nanganganib siyang matulak ang Beijing na putulin ang ugnayang kalakal nito sa Manila, gayundin ang lumalaking pamumuhunan nito sa pagmimina, electronics, at iba pang industriya. Maaaring balikan ito ng China sa pinag-aagawang mga isla ng Spratly.

Bahagi ng mga industriyang pandigma ng America ang estratehikong operasyong militar ng gobyernong US sa Pilipinas, sa balatkayo ng paglaban sa terorismo. Sinusuportahan sa mga industriyang ito ang malaking paggastos sa depensa sa gitna ng resesyon. Tanging sa Boeing, at iba pang korporasyong kalahok sa pakikidigma nakaasa na makakaahon at nakakakuha ng empleyo ang US sa panahon ng resesyon. Kumikita ang US sa presensiya ng mga puwersa nito sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng engineering, konstruksiyon, electronics, aircraft, shipping, at iba pang korporasyong nakatuon sa war manufacturing. Sa buong mundo, tumutulong sa pananatili ng makapangyarihang military-industrial complex ng US ang mga puwersa at instalasyon nito at ang giyera ng interbensiyon nito sa Afghanistan, Iraq, at iba pang lugar.

Mistulang promosyon ng mga industriyang pandigma ng US at pangangalakal ng weapons of mass destruction at mga giyera ng interbensiyon sa mundo ang pagpunta ni Aquino III sa Washington DC. Inaasahang makakakuha ng pinansiyal at pangmilitar na ayuda ang bagong administrasyon sa pagsumpa ng suporta sa US. Pero matatali si Aquino III – tulad ng nakaraang mga pangulo ng Pilipinas – sa isang relasyong panginoon-alipin.

Napapahamak ang potensiyal na produktibong ugnayan ng bansa sa ibang bansa sa patuloy na eksklusibong ugnayan ng gobyernong Pilipino sa America. Bukod dito, lumalalim ang neo-kolonyal na pagkakatali nito sa dating kolonyal na amo. Katunayan, lalong naipagkakait nito sa mga mamamayang Pilipino ang karapatang magpasya sa sarili at karapatang di pakialaman ng isang dayuhang bansa. Samantala, ipinapataw ng mga ahensiyang multilateral na naiimpluwensiyahan ng US ang mga mapapait na hakbang pang-ekonomiya. Tumutulong ang relasyong ito sa pakikialam ng US sa mga operasyong kontra-insurhensiya na nagtatransporma sa Armed Forces of the Philippines trungo sa pagiging papet na hubo ng Pentago at mistulang maimpluwensiyang puwersa sa pangulo ng Pilipinas.
Nangako ng pagbabago ang kandidato sa pagkapangulo na si Aquino sa sistema ng paggogobyerno. Ang lumalabas, kabaliktaran ang nagaganap sa pakikipag-ugnayan nito sa US.
Kung gayon, may mabigat na dahilan ang patriyotikong mga puwersa sa Pilipinas, kabilang ang progresibong mga elemento sa Kongreso, na manawagan ng pagbasura sa VFA at iba pang di-pantay na mga kasunduan sa US at wakasan ang presensiyang militar ng US. Pangkalahatang tungkulin ngayon na ipaglaban ang isang polisiya ng independiyenteng ugnayang panlabas ng Pilipinas bilang mahalagang elemento sa paggogobyerno.

Salin ng Pinoy Weekly Online mula sa wikang Ingles. Anumang kamalian dulot ng pagsasalin ay nagmula sa amin.

Policy Study, Publication, and Advocacy
Center for People Empowerment in Governance (CenPEG)
August 14, 2010