Doon po sa aming lupa, sa bayan kong Pilipinas.
Mga pulitiko doo´y parang tuko kung humimas.
Kapag naka-tyempo at naka-kapit ng sagad.
Hindi na bibitiw sa pwestong pinakahahanangad.
Kahit na nga sa iskandalo ay sagad na at  tambak.
Para pa ring mga bingi,  pakiramdam ay hungkag.
Doon po sa amin, sa kaawa-awa kong bayan.
Ngayo´y  pinaghaharian ng mga sakab at kawatan.
Mga gutom at sakim, sa tawag ng kapangyarihan. 
Lahat ay gagawin, huwag lamang mabitiwan.
Pwestong pinuhunan ay ninakaw din sa bayan.
Kahit ang kapalit, pagdurusa nitong mamamayan.
Doon po sa amin di katulad sa ibang bansa.
Na kapag pulitiko´y, napag-usapan at medyo napahiya.
Kusang susuko sila, at agad bababa sa dambana.
Samantalang doon po sa amin, sa lupang kaawa-awa.
Daig pa ang mga tukong, sa pwesto ay di mahihila.
Sarili´y idinikit sa pagka-kapit ay parang linta.
Doon po sa amin ang mga gutom sa kapangyarihan.
Minsan nang nakapwesto´y di pa maligayahan.
Ang nais pa ay sagarin,pang-aabuso sa mamamayan.
Ang lahat ng tumutol at sa mga pakana ay lumalaban.
Daig pa ang diyos kung umasta at  mag-paandar.
Damdamin nitong baya´y, hindi na iginagalang.
Doon po sa amin, sa sobrang sagad na  kahirapan.
Sa kawalang pag-asa at kawalang katarungan.
Sa pagmamalupit nitong, mga nasa kapangyarihan.
Di mapipigil itong bayan, taas kamaong lumalaban.
Ano man ang panluluko at pandarahas na ilalaan .
Itutuloy ang paglaban para sa kinabukasan nitong bayan..
                                                                             Epoy/04/06