Salamat sa pagdalo, salamat sa pagdating.

Tuwa ng aming puso sa bigla mong pag-ningning.

Pagkat di inaasahang ika´y makapiling.

Sa gabi ng pagtitipon at pagdiriwang namin.

Pasasalamat na matayog ang sya naming lambing.

 

Sa iyong talumpati kami ay natuwa.

Tamis sa damdamin ang aming nadama.

Sa iyong mga tinuran kami´y napahanga.

Sa aming damdamin dagdag na ligaya.

Pagmamahal mo sa bayan tila isang panata.

 

Ang iyong mga kataga´y, tumimo sa dibdib.

Ang tila tapat mong, mag-lingkod sa maliliit.

Pangarap na ligaya, at batas na matuwid.
Sa kapakanan ng lahat, lahat ng kapatid.
Katarungan sa bayan, ay malaon ng nilalangit. 
 

Ngunit tila yata, kapos ang iyong pamantayan.

At sa suliranin ng bayan, kung ano ang batayan.

Kapos ang pagtingin sa tunay na dahilan.

Ilusyong nangangarap sa ibabaw ng kamalayang,

ang baya´y may langit na bukas, sa  bulok na kairalan.

 

Bagamat  pasasalamat, ay nais kong ipabatid.

Sa busilak mong pusong,naghahangad ng matuwid.

Sa bayang nating nilulupig, ng dahas at lupit.

Sa iyo ay may samo rin, itong aking dibdib,

Kung sadyang wagas ang layong, maglingkod sa kapatid.

 

Kung totoong lumuluha, itong malinis na puso,

Sa abang kalayagayan, ng lupang tinutudyo

Ibukas ang isipan, at tunay na mag-usyuso.

Sa ugat ng mga suliraning, sa kanya´y sumiphayo.

Kasaysayan ng baya´y, pag.aralang totoo.

Kung matunghayan mo, ang tunay nyang nakaraan.
Isang katiyakang, magmumulat ang isipan.
Sa tunay na sanhi, at mga ugat na dahilan.
Sa wakas doo´y titimo sa isipan,ang sigaw ng bayan,
Magkaisa ang lahat, itakwil ang bulok na lipunan. 

Bagamat ganito ang tinuran, nitong aking panulat

Kami ay kaisa mo, sa iyong mga pangarap.

Hiling lamang sana, ay maglingkod ng tapat.

Pagmamahal sa baya´y ipatupad ng ganap,

Walang pag-iimbot,  itanghal ang bayang liyag.                                                                                    Epoy/05/06