Sagot sa tanong ni mang igme kung tayong mga Pilipino ba ay may tunay na kalayaan

 

      Di nga ba´t  Malaya na tayong, walang pagkukunwari.

      Sa buong mundo minsang itinambol ang ating pagsasarili.

      Sa kamay ng mga dayuhan tayo´y mga nagsipagbunyi.

      Pagkat laya ay ibinigay,kapalit ng kung anong siste.

      Santambak na kasunduang sa leeg natin ngayo´y nagbibigti.

      Kasabwat ng mga huwad na lider nitong bayan nating api.

 

      Oo; ngayon nga ay Malaya kang walang duda at pagtatangi.

      Malaya kang sa piling ng mga pangarap ay todong mamighati.

      Sa kasawiang sinapit nitong lupa at buo mong saling-lahi.

      Malayang laruin sa isipan ang kapalaran mong sawing-sawi.

      Sa kawalan ay Malaya ka ring itanong kung ano ang mga sanhi.

      Ang iyong kalungkuta´y malaya mo ring ipag-kunwari.

 

      Oo, Malaya ka, Malaya kang sumigaw sa buong sanlibutan.

      At ipagsigawang ang lahi mo´y maroong kalayaan.

      Kalayaang yumukod at sumunod sa mga dayuhan.

      Sa kanilang mga mga pakana at mga katuwiran.

      Kahit na duraan at babuyin ang lahi mo at buong angkan.

      Malaya kang lumuhod kapag sinabing wala silang kasalanan.      

      Oo malaya ka, malaya kang maglubid ng mga pagkukunwari.     

      Magkunwaring malaya sa gitna ng mga pang-aapi.     

      At tanggaping ang lipunang ito ay isang katangi-tangi.

      Magmistulang masaya, kahit bituka´y hapding-hapdi.

      Malaya kang tanggapin ang kanilang mga pakana at gawi.

      At purihin silang, bumubula sa gutom ang iyong mga labi.

 

      Malaya kang sumayaw, sa kumpas ng kanilang mando.     

      Kapag dinikta nila ang hindi pantay na tratado.     

      Malaya kang ipamigay, ang lahat-lahat ng yaman mo.     

      Sa dangal ng ibang lupa,Malaya kang magsakripisyo.     

      Ang kanilang mga pagkukunwari, at lahat ng panloloko.     

      Malaya kang tanggapin, kapalit ng dangal ng bayang ito.      

     

      At kung nakikitang ang mga anak mo´y buto´t balat.     

      Dahil sa kawalan at labis na paghihirap.     

       Malaya kang impitin ang hapdi nitong sugat.

      Galit sa dibdib ay malayang  pigilin ang sakdal na bigat.

      Parusa sa lahing ninanakawan ng laya´t  ulirat.     

      Para sa kasaganahan ng mga mandarayang magkakasabwat. 

 

      At kung sa wakas, ay hindi mo na kaya.

      Maglaro sa pantasyang, ikaw ay malaya.

      Na di mo kayang magkunwaring, itong bukas ay may pag-asa.

      Sa paghahari nitong mga nag-aastang diyos sa lupa.

      Malaya kang mamili ng landas, at iyong mga pasya.

      Kung ang bukas ba nitong bayan; sa kamay ng iilan ay ipaubaya?

      O hangaring sa pang-bubusabos nitong dayo ay tunay na lumaya.

     

 

                                                                                          Epoy/05/06