Kailan lang ba laksang kaluluwa ang inutas sa Ormok.?
At pagtapos naman sa Quezon libong katawan ang naupos
At sa Leyte pa rin ngayon libo ring buhay ang tinapos.
Bukod pa sa hiwa-hiwalay na trahedyang tila umiikot.
Sa bayan nating nilipos ng  sobrang paghihikahos.
Parang sumpang kilabot sa lupang ito na binubusabos. 

At ngayo´y ano na ang pakialam nitong mga santo?
Sa mga nalibing na buhay ng mga karaniwang tao.
Sa lahat ng sulok nitong lupa  nating nagtatampo
Silang mga nagmumukhang  banal sa harap ng panloloko
Sa tuwing magaganap ang trahedyang nakapanlulumo.
Mga manhid na walang awang nagsasayaw sa kanilang trono. 

Sa tuwing matatapos na maganap, itong mga trahedya
Gagawa kunwari ng mga pakulong, pang-paamo sa madla.
Ipagbabawal kunwari,ang sa kalikasan ay pananalanta.
Ng mga matalik na kaibigan at kasosyong kapitalista.
Ngunit dahil di mapakali, sa laki ng tubo at ganansya.
Sandali lang at babawiing muli sariling mga pakana. 


Dahil sa ngalan ng tubo at tayog ng kapangyarihan.
Naging bingi itong mga teynga sa daing ng taong bayan.
Nagiging manhid ang pakiramdam sa tangis ng kalikasan.
Walang pakialam sa mga susunod, pang lahi kinabukasan.
Ang mahalaga  sa kanila ay ngayon at gintong makakamal.
Masira man ng tudo ang  gubat,  bundok at mga dagat nating mahal
 

Kaya´t ito ngayon ang  nagiging bunga
Sa tuwing may magaganap na ganitong mga trahedya.
Ang kalikasan nati´y todong napipinsala.
Ang taong bayan ang siyang  nagiging biktima
Sa mga kasakimang hindi naman nila ginawa.
Habang nagpepyesta itong mga sakim at buwaya.
Doon sa palasyo iisa ang kumpas ng mga dila. 
 

Kaya ngat itong mga trahedyang walang katapusan.
Mga sakunang walang patid walang pagkaparam.
Libingang tuwina ay sasama sa ating kasaysayan.
Parang gabi na tuwina ay  bangungot sa ating katauhan.
Habang ang lupang itoy pinamumugaran ng mga gahaman.
Mga sakab sa tubo at hayok sa  kapangyarihan.                                                                                      

   Epoy/02/06