(bato-bato sa langit, ang tamaan ay masakit) 

Alahoy, alahoy, sa Austria ang mga  Pinoy.
Sa hatid na kapalaran, sa ligaya´y lumalangoy.
Ang  nakarang kahapon sa utak ay naluoy.
Nagpapakalunod sa saya na parang hilong beloy.
Kay pait na lumipas, aral na walang daloy. 

Naturete ang utak sa labis na hirap.
Naranasang kahapon, sagana ay kay ilap.
Sa lupang kinamulatan, bituka´y humihikab.
Sa tuwing sasapit,umagang sakdal salat.
Kahirapan nitong buhay,sadyang tila walang wakas.

 Kaya ng ibigay, kapalarang di akalain.
Katawan at damdami´y, tila nakaahon sa bangin.
Subalit ng umahon, utak na naninimdim.
Nasilaw sa liwanag, nagpakalunod sa ningning.
Naglupasay sa saya, nalimot ang mga daing. 
Daig  pa ang mga dalag, ng lumundag sa lapag.

Dahil ayaw sa putik, gusto pala ay sa burak.
Inilagay na sa tubig, subalit utak ay tila hungkag.
Ligaya pang maglayaw sa tukso ng liwanag.
Nalulunod, nalulunod, sa labis na tuwa at galak. 
Sa nakamit na ligaya, tila ang bukas ay wala na.
Sinasagad ang saya, makapagyabang lang sa kapwa.

O di kaya bigyang laya, ang bisyong may halina.
Sa katawang malaong nasabik, sa sarap at sagana.
Kaya´t parang lumilipad, na may piring ang mga mata. 
Alahoy, alahoy, sa Austria ang mga Pinoy.
Kung hindi magtutuwid, hanggang kailan lalangoy.
Bukas na darating, baka wala kahit amoy.
Ligayang nilalasap ngayon, malulunod lahat sa kumunoy.
Manghinayang ka man, lahat sa iyo´y maluluoy.                                                                   

   Epoy/05/06