Oh, bayan kong Pilipinas,

lupa ka ng luha at aking mga pangarap.

Luha sa pusong laon nang pumapatak.

Sa latay ng lupit na sa iyo´y dumadanas.

Makulimlim itong diwang lagi nang naghahangad.

Sa kamay ng mga dayo tuluyan nang maka-alpas.

Makita ang laya sa sarili mong mga palad. 

 

Oh, bayang minumutya nitong puso.

Lupa at dagat mo´y sakdal siphayo.

Sa lungkot at hapis na sa iyo´y tumutudyo.

Habang tuwa at galak sa mga  mandarayo.

Nakangising sinisipsip ang ganda mo´t bango.

Ang laya mo at yaman sabay sabay na inilayo. 

Sa piling na mga anak at lahi mong kasuyo. 

 

Oh, bayang nililiyag nitong diwa.

Sa mga pangarap larawan mo ang nakikita.

Ang iyong labis at walang hanggang pagdurusa. 

Sa kamay ng iilan ganda mong sinasamantala.

Sa lupit at dahas mga anak,ngayo´y nagdurusa.

Ninanakawan ng yaman at tamis ng laya.

Bawat bukas ay madilim sa lupa mong kaawa-awa.

 

Oh, bayan kong Pilipinas, lupa ka ng mga bayani.

Lahing nagtatanggol sa lahat ng mang-aapi.

Sa harap ng dahas nitong mga walang budhi.

Mapanlinlang sa isip ng bayang atubili.

Kailan magwawakas, matatapos itong hapdi.

Hanggang saan matatapos ang mahabang pagtitimpi.

Kailan sa wakas babangon bayang sakdal api. 

 

Oh; bayang nililiyag nitong puso .

Lupa ng pangarap at aking pag-suyo.

Sakdal gandang maging dayo´y natutukso.

Langit, dagat, lupa at maging wika mo.

Binusabos nang lahat kinamkam ng buong buo.

Laya moy kahulugan ng aming lahi at pagkatao.

Tamis sa puso ang mamatay nang dahil sa iyo.                                                                          Epoy/05/06