Samo namiy pakinggan itong aming pahiwatig.

Mga kaluluwang  katawa´y winasak na dibdib.

Ng  pangil ng mga  asong gutom sa paninibasib.

Sa mga damdaming nag-hangad ng matuwid

Pagnanasa ng sakim, lagasi´y  pag-ibig na tumigib.
Pagmamahal sa bayang pinaka langit-langit. 
Ngayo´y laksa na itong nalagas sa kawalan.
Panata ay inagaw sa lupang tigang sa katarungan.

Na tanging kasalana´y magmahal sa bayan.

Naghangad ng lunas sa tiwaling kaayusan.

Diwa ay binusalan ng tingga ng kamatayan.

Sa takot na lumaganap itong apoy ng katarungan. 

Samo namin ngayon sana ay masdan naman ninyo.

Ang lunos na larawan ng lupain nating ito.

Nagmistulang bilangguang walang maaaring kumibo.
Pinugtong mga hininga ang katumbas na pangako.
Sa bawat maglalantad ng kanilang mga baho.

Mga kabulukang sa bayan nati´y sumisiphayo.

 

At kung ang mga anak na tulad mo ay sadyang mananahimik.

At magbubulag-bulagan sa lumalaganap na lupit.

Sa panaghoy nitong lupang tinigib  ng hapis.

Kailan magwawakas ang pangingibabaw nitong pait.

Laya mo´t katarungang malaon nang nilulupig.

Pamanang bukas sa baya´y walang liwanag na langit. 

 

Ngayong aming mga katawa´y tuluyan ng malulusaw.

Unti-unting  sasanib sa lupang natigang sa laya at layaw.

Inagaw ng hayok na bangis sa matayog na palahaw.

Hustisya sa kalayaang buong panahong nilalabusaw.

Aming panata at pangarap sa baya´y mananatiling kaulayaw.

Liwanag na gagabay sa landas ng inyong mga galaw.

 

Kaya ang samo nitong aming mga kaluluwa.

Damhin ang pag-ibig at ang aming mga panata.

Igiit ang katarungan para sa bayang dinudusta.

Kalayaang pinangarap ihandog sa abang lupa.

Kasaganaha´y  isabog sa mga kapatid na kawawa.

Magbangon ka bayang malaon nang lumuluha.                                                                                    Epoy/06/06