- para sa mga kasama -

Abot pa ng iyong tanaw, ang ina mong umiiyak,
sa iyong paglisan, at sa patutunguhang di tiyak,
nagpupuyos ang dibdib, luha mo'y tagaktak,
nang dahil lang sa kasalatan, sa ibang bansa paa'y maitatapak.

At natagpuan mo nga ang iyong sarili, dayuhan sa ibang bansa,
tiniis dito lahat ang hirap, at ngayon nga’y nanamasa,
ngunit isusubo mo na nga lang, handa pang ibigay sa kapwa,
sadya nga yatang likas sa iyo ang mapagkawang gawa.

Abot pa rin ng iyong alaala, kabataan mong nakalipas,
pagmamahal mo sa bayan, di pa rin kumukupas,
prinsipyo mong pinaglalaban, dala pa rin sa paglikas,
karapatan ng lahat, sa puso mo’y ito ang wagas.