Si Bolante at si Nicole, dalawang mukha nitong bayan

Larawan ng pagsasamantala at karahasan.

Larawan ng pangungurakot at kalapastanganan.

Larawan ng kabulukan ng magulo nating lipunan

Si Bolante at si Nicole isa lang sa mapagtutularan.

 

Si Bolante ay nanggahasa ng yaman nitong bansa.

Kaya ang masa ay napatulala sa laki ng nawala.

Naghihikahos na magsasaka,ngayo´y nakatunganga.

Ang pondong biglang nalagas, binambili ng balota.

Para sa among sa malakanyang ay ayaw pang bumaba.

 

Si Nicole ay pinagsamantalahan, walang awang ginahasa.

Mga sundalong amerkanong magtatanggol daw nitong bansa.

Nag-enjoy daw naman siya ang insulto pang panunuya.

Habang niluluray puri at dangal nitong abang pilipina.

Sa kamay ng mga salarin, nilalapastangan daw na  maligaya.

 

Tulad nitong bayang nating hindi magising-gising.

Sa panggagahasa ng dayuhan sa dangal at yamang angkin.

Sa pangbabansot nitong kalayaang para sana sa atin.

Maligaya daw tayong sumandal sa kanilang galing.

Wala daw kakayanang paunlarin itong bayan natin.

 

Habang itong Pilipina ay naghahabol ng katarungan.

Si Joc-joc Bolante sa bayan, ay biglang tumakas naman.Habang si Nicole ay ayaw ipagtanggol ng nasa malakanyang.

Si bolante ay pilit ipinagtatakpan sa kawalang hiyaan.

Uri  ng katarungang sa bayan natin ngayo´y nananahan. 

Kaya ng maganap itong dalawang pangyayari.

Pinagsamantalahan si Nicole,nagsamantala si bolante.

Bayan ay namangha at si joc-joc ng kano ay ipahuli.

Gusto lang pala ay ipang truce sa kaso ng mga sundalong salbahe.

Areglong ang makikinabang sila ring mga buwetri.

 

Insultong walang katulad, sa lahi´y laging nakasabit

Mga   kanong sa yaman ng baya´y laging nakasungkit.

Nakangising mga hangal habang dangal nati´y nilalait.

Tinutuya nating kakayanan at talinong minamaliit.

Sa pagpapasya nitong bukas at pagguhit ng sariling langit.

 

                                                                                      EPOY/09/06