( Sa mga alagad ng diyos at lingkod ng bayang pinaslang ) 

Sa lupang kinubakob ng makapal na pag-durusa.
Sa pagkabalisa ng lugmok na mga kaluluwa.
Sa kawalang pag-asang may bukas pang makikita.
Sa bayang binubusabos ng labis na pagka-dalita
Kayong  pumagitna at namagitan sa langit at lupa
Hatak ang saya ng diyos sa paanan ng buong madla.
Nais ninyong patunayang may  paraiso din dito sa ibaba.
Sa piling ng mga api at sa mga pinaka dukhang-dukha.
 Kaya´t pinunit ninyong pilit ang dilim upang ningning ay sumilay
Sa puso ng mga dukha´y sumikat ang bukang liwayway.
Ipamudmud ang pag-asa sa bawat mga diwang nahimlay.
Mga sinairan ng pangarap para sa makatarungang  buhay.
Itinindig nyo ang panatang nakasalalay sa kanilang mga kamay.
Upang linangin ang langit sa bayang nating nalulumbay
Mga karapatang diyos ng pag-ibig ang siyang sa ati´y nagbigay. 
Subalit ang mga impostor sa lupa ay sadyang matatakutin.
Silang nagkakalat ng dilim sa bayang naninimdim.
Nahihintakutang silang kumalat ang iyong pangitain.
Na sa puso ng buong bayan  pag-asa ay mag-ningning.
Baka  ngitngit nitong katarungan sa palasyo ay makarating.
Itakwil ang kanilang pag-haharing sa bawat buhay ay salarin. 
Kaya agad ang malinaw nyong tinig ay kanilang pinuksa.
Ninanakaw nila ang matayog nyong pag-ibig at panata.
Sa pag-aakalang ang binhing tulad nyo ay masasalanta.
Ng marumi nilang mga kamay at kanilang mga pakana.
Ngunit ang mapula nyong dugong idinilig sa ibabaw ng lupa.
Bubuhay sa mga damdaming nauhaw sa katarungan at pag-laya.
Kaya tiyak bukas babangon ang bayan sa gabay ng inyong mga diwa.