Sige, tapusin mo na ang kanilang pagdaramdam.

At bigyan ng tugon ang matagal nang kahirapan.

Putulin na ang mahabang angal nilang listahan.

Ang maingay nilang palahaw  tinig ay pugutan  

Puksain ang mga sikmurang labis na kumakalam

 

Kaya upang sila`y tuluyang manahimik.

Wasakin mo ng punglo ang kanilang mga dibdib.

Dahil naglalaman ito ng  tunay na pag-ibig.

Pag-ibig sa laya at katarungang ipinagkakait.

Upang sa puso ng mga tulog ay di na marinig.

 

Sige patahimikin mo na ang mga patay gutom.

At yaong mga hadlang sa iyong mga tusong layon.

Magkamal ka ng kapangyarihang walang tumututol.

Sa iyong mga palad, tapusin ang kanilang pagmamaktol.

Ang  hanap nilang katarunga´y sa putik lahat ibaon.

 

Ipagtanggol mo itong mga sumisira ng kalikasan.

At iwaksi itong kapakanan ng mga umaangal.

Hayaan mo silang matabunan ng pinsalang  ilalaan.

Kapalit ng laksang  tubo at yamang makakamal.

Ikaw at ng mga kasabwat na sa salapi ay garapal.

 

Sige diligin mo ng makabayang dugo ang uhaw na lupa.

Uhaw sa katarungan, sa tunay na laya at sagana.

Sa akalang mapuputol ang tinig nilang nagbabanta.

Banta sa iyong ligayang labis na ngayo´y tinatamasa.

Habang may panahon, magpakalunod ka sa saya.

 

Sabalit ang dugong tinitigis ninyo sa kanilang katawan.

Tutugon sa mga uhaw na utak na salat sa pakiramdam.

Bawat katawang isasaboy ninyo sa luoy na lipunan.

Patabang magpapayabong sa paghanap ng katarungan.

Diwa nila´y gagabay, sa landas ng tunay na paglaban.

 

                                                                                  Epoy, 02/11/07