Sapagkat sa lupang sinibulan, itong bukas nga ay di tiyak.

Kung ano man ang daratnan, o ano man ang tahak

Landas na tutunguhin, oh nitong bayang liyag.

Sa dayong nasa`y nalugmok, sa kamay nito´y napahamak.

Laksang dugo ng kapatid, sa paglaban ay dumanak.

Handog sa pagsilang , ng mga  bunso pang babagtas.

 

Ang panaghoy nitong mga anak, ng bayang inalipin

Walang patid na pagdurusa, sa kamay ng salarin.

Dangal na niyuyurakan, layang pangarap sinisiil.

Sanhing salik na nagtulak, isulong  wagas na layunin.

Pukawin ang   marami, gisingin ang mga himbing.

Mag-ambag ng talino, maghandog ng angking galing.

 

Dahil nga sa tayo, tulad nati´y nagmamahal.

Tungkulin din ninyong kumilos, itindig itong dangal.

Igiit itong paglaya, katarungan ng baya´y ipagsakdal.

Tayong lahat ang sisingil, sa mga dugo nilang tininggal.

Nitong bayang sawing-sawi, sa bangis ay tumiwakal.

Linangin ang panatang, palayain ang lupang  mahal.

 

Totoong ang daan, sadyang kay haba´t kay dilim.

Bawat hakbang ay panganib, buhay ay nakabitin.

Ambang bangis ng halimaw, sa hininga´y kumikitil.

Matining na damdamin, minsa´y napanlulumo rin

May ligaya ring handog, banal na paglilingkod natin.

Sa bawat nating tagumpay, at pagsulong ng mithiin.

 

Dahil nga  ang kaaway, nitong nasang kalayaan.

Mabangis na halimaw,ang kanyamg katularan.

Walang awa`t bait, walang tino´t  pakundangan.

Sa pagkitil nyaring  buhay, walang kabusugan.

Sa ngalan ng    dahas, ito ang  kanlungan.

Hibang na ipinagtatanggol,  buktot na kapangyarihan.

 

Sa landas na tahakin, sakali mang masumpungan.

Mga bangis ng pasakit, at kung anong mang  kahirapan.

Huwag agad pakabibitiw, o isuko man ang paglaban.

Laging ihain sa isipan, mga gintong aral ng karanasan.

Gawing insperasyon ito, gawing isang pananggalang.

Nagliliyab na sandata, sa pagsusulong ng katarungan.

 

 

Kung mahantong man sa kabiguan, itong nasang layon.

At maantalang kusa, itong layang pinupuon.

Tanging hiling nitong puso, matayog na hinahon,

Pang-unawa ang  samu, pagsusuri sa sitwasyon.

Puhunanin ang mga aral, kahinaan ng pagtugon.

Kayo´y mga anak din ng bayang, harapin ang paghamon.

 

At sa pagsusulong nitong nasa, hindi man makita.

O masumpungan kaya, pinangarap na paglaya.

Langit itong handog, sa mga bunso nitong bansa.

Matamis sa damdaminng, sa mga kapatid ipamana.

Tanging hiling lamang, sa lahat ng magtatamasa.

Kapit bisig na ipagtanggol, itinidig nating dambana.

 

Kung sadya mang mapigti, yaring ginigiliw na buhay.

Ituring itong mahal na gintong, natunaw sa linangan.

Ambag na halaga, pantubos sa laya nitong bayan.

Magsilbing kinang na liwanag, sa landas ng paglaban.

Nang sa wakas ang ganda´t busilak, nitong inang sinilangan.

Magningning at kuminang, sa mata ng sanlibutan.

 

 

 

                                                                                      EPOY/12/05