Sige tumanga ka at magsawalang kibo.
Habang  ang lahi mo'y sa hirap ginugupo.
At sa ligaya'y humahalakhak ang mga tuso.
Habang ginagahasa ang yaman ng bayan mo.
Lahi mong tinatangi'y  timawa hanggang apo.
habang nilalapa nila ang natitira mo pang laman.
At nagpapakalango sila sa yaman ng iyong bayan.
Huwag nang kumibo habang tiyan ay kumakalam.
Mahabag sa sarili ngunit huwag na huwag makialam.
kahit itong buong lahi'y pambayad sa kapabayaan.
Tiisin mong naglalangitlit ang iyong lalamunan.
Sa labis na uhaw sa tunay na katarungan.
Habang nilalason ang mga ilog mot karagatan.
Para sa limpak na tubong kanilang makakamkam.
Pinsalang gumigiba hanggang sa iyong kinabukasan.
At  kung nahahabag ang iyong puso ay sige lang.
Sa labis na gutom at  walang patid na kahirapan.
Gayong nasa lupang ito ang tunay na kayamanan.
saganang sasapat sa lahi kung hindi kinakamkam.
Ng mga naghaharing umaalipin sa iyong bayan.
At kung kaya pa ng iyong dibdiba'y sige lang at purihin.
ang kanilang pang-aabuso at tusong pagmamagaling.
Magpagamit sa layun nilang sadyang imbi at sakim.
Kahit ang kapalit ay kinabukasan ng bayan natin.
At  ang apo ng mga apo mo'y alipin nilang ituturing.
                                                                Epoy 06/17/07