Hayun at inyo ngang pagmasdan.
Ang bayan kong amis sa sawing kapalaran.
Mga halimaw ngayon ay nagbabakbakan.
Ng di magkasundo sa parteng nakawan.
Ang kaban ng bayan matapos pagpasasaan
Mga baliw na asong ngayo'y nagsusunggaban
Habang taong bayan bituka ay kumakalam.
 
Itong mga demonyong nag-aastang maginoo.
Mukhang kagalang galang sa harap ng publiko.
Sa likod pala ng intablado bulok ang mga ulo.
Walang nasa isip kundi ang panggagansyo.
Pagnanakaw sa bayan ang buong inaasikaso.
Nagbebenta ng kaluluwa at dangal nating Pilipino.
Kapalit ng ligaya at walang kapantay nilang luho.
 
Kaya nagbangayan ng medyo magkalamangan.
Ang mga halimaw ngayon sila'y nagkakalmutan.
Nagbabanta ang bawat panig sa mga ibubulgar.
Bahong itinatago mula sa matamis nilang samahan
Ngayo'y bulok na sasabog sa mukha ng sambayanan.
Madlang kaawa-awa, mga tiyan ay walang mailaman
Habang mga halimaw sa gobyerno di maawat sa kahibangan.
 
 
 
Epoy02/008