sige pumanaw ka na, di na namin pipigilan
kahit parang biro at biglaan ang paglisan.
kahit luhaan hindi lang ang aming mga mata.
pati aming mga puso't kaluluwa ay may dusa
sa pag alis mong para sa lahat ay di ninasa.

sige kahit masakit sa aming damdamin.
lumisan kang ang aming pagmamahal ay baunin.
dahil ikaw ang nagturo nito sa amin
ang magmahal sa bayang pinakagigiliw.
pag ibig mo sa maliliit na walang kapalit na turing.

totoong bukas sa aming paggising ay wala ka na
at ang dakila mong imahe ay di na namin makikita.
subalit ang bantayog ng kabayanihan mo'y di mawawala.
gintong nakaukit na larawan sa aming mga diwa.
sa bawat hakbang ng kasaysayan, pangarap mo´y ibabandila

at sa iyong pag lisan sa bayang ito na pinakamamahal
taus puso naming pasasalamat ay wag pagdamutan.
baunin mo ang sa iyo ay aming matayog na pagdakila.
sa dakila mong ambag sa kilusang mapagpalaya.
sa pangalan mo anak pawis ngayon ay nagkakaisa.

kaya sa paglisan mo kahit mga puso namin ay luhaan.
ang panata para sa bayan ay lalong dudugtungan.
gaya mo´y walang pag-iimbot silang paglilingkuran.
palayain sila sa labis na karukhaa´t kaapihan.
ang halimbawa mo ka BEL ang siya naming panuntunan.


epoy
05/21/08